Manila, Philippines – Pinagkukumento ng Korte Suprema ang Malacañang at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa petisyong kumukwestiyon sa constitutionality ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sa deliberasyon ng Supreme Court en banc, hindi na muna inaksyunan ng korte ang hiling ng petitioner na si Sulu Governor Abdusakur Tan II na pigilan ang pagpapatupad sa BOL at sa Commission on Elections (Comelec) laban sa pagsasagawa ng plebisito para sa BOL.
Sa halip, binigyan muna ng korte ang ehekutibo ng pagkakataon na sumagot sa petisyon at ipagtanggol ang constitutionality ng kinukwestiyong batas.
Tinukoy respondents sa kaso sina Executive Secretary Salvador Medialdea, DILG Officer in Charge Eduardo Año, mga myembro ng Senado at Kamara de Representantes, Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza at ang Bangsamoro Transition Commission at MILF.
Ayon kay Tan, nagmalabis ang Kongreso sa kapangyarihan nito nang ipasa ang BOL dahil batay sa Section 18 at 19 ng Article X ng 1987 Constitution, isang organic act lamang ang ipinapasabatas para sa pagbuo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.