Tondo, Maynila – Aabot sa 150 pamilya ang nawalan ng bahay habang isang bata ang sugatan matapos malapnos ang braso sa sunog na sumiklab sa Capulong, Tondo, Maynila.
Ayon sa Bureau of fire Protection (BFP) sa Maynila, umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang maapula matapos ang higit isang oras.
Ayon kay Chief Inspector Joselito Reyes, station commander ng Manila Fire Station 1, nagsimula ang insidente sa mga batang naglalaro ng posporo sa bahay ng isang residente.
Dahil dito, nasugatan ang apat na taong gulang na batang nagsindi ng posporo sa kalan na agad nagliyab.
May tatlo ring pinaglalamayang bangkay sa lugar pero hindi naman nadamay sa insidente ang mga nakaburol.
Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng ayuda para sa mga pamilyang apektado ng sunog.