PINAGMUMULAN NG USOK NA NARARANASAN SA MALABAGO, CALASIAO, NILINAW NG BARANGAY

Nilinaw ng pamunuan ng Barangay Malabago sa Calasiao ang pinagmulan ng usok na nararanasan sa ilang bahagi ng lugar, na ayon sa kanila ay mula sa sunog na naganap sa Material Recovery Facility (MRF) ng barangay.

Ayon sa pabatid ng barangay, bandang alas-nuebe ng gabi noong Enero 1 nang sumiklab ang apoy sa MRF na umano’y sanhi ng mga itinapong paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Agad namang rumesponde ang Barangay Council katuwang ang mga opisyal ng munisipyo, Bureau of Fire Protection (BFP), at Solid Waste Management Team upang makontrol ang sunog at maiwasang kumalat sa mga kalapit na lugar.

Bagama’t naapula na ang apoy, usok pa rin ang nararanasan sa kasalukuyan na nagmumula sa ilalim ng pasilidad.

Dahil dito, pinayuhan ng barangay ang mga residente, lalo na ang mga bata, matatanda, buntis at may karamdaman, na magsuot ng facemask kapag lalabas, iwasan ang matagal na pananatili sa labas, isara ang mga bintana at pinto kapag makapal ang usok, at uminom ng sapat na tubig.

Sa ngayon ay sinusubukan pang kunan ng iFM News Dagupan ng pahayag ang BFP ukol sa insidente.

Tiniyak naman ng barangay ang patuloy nilang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang tuluyang mawala ang usok at masiguro ang kaligtasan ng mga residente.

Facebook Comments