Manila, Philipines – Pinagbibitiw ng Minorya sa Kamara ang mga matataas na opisyal ng Department of Agriculture at mga attached agencies nito.
Ang suhestyon na magresign sa pwesto sina DA Sec. Manny Piñol, NFA Administrator Jason Aquino, NFA Council at iba pang attached agencies ng ahensya ay bunsod na rin ng problema sa bigas at sa importation ng isda.
Ayon kay Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, kung hindi kayang mapanindigan ng mga opisyal na ito na solusyunan ang problema sa pagkain sa bansa ay dapat na bitawan na ng mga ito ang kanilang tungkulin.
Dagdag pa ni Atienza, hindi magtatagal ay hindi na ang mga terorista at rebelde ang banta sa bansa kundi ang kakulangan na sa suplay ng pagkain.
Samantala, umaalma naman sina Minority Leader Danilo Suarez at AKO Bicol Rep. Alfredo Garbin sa pahayag ni Piñol na i-legalize ang smuggling sa bigas at ang isa pa nitong sinabi na ayos lamang at masustansya naman ang pagkain ng bukbok na bigas.
Malinaw anila na ito ay pananabotahe sa ekonomiya ng bansa dahil papayagan na ang pagpasok ng mga iligal na produkto.
Iginiit naman ni Atienza na humingi ng paumanhin si Piñol sa mga pahayag nito na hindi katanggap-tanggap para sa mga Pilipino.