PINAGSASAKSAK | Truck driver at kasama nito, sugatan; 500 sako ng bigas, natangay matapos na maging biktima ng mga hijacker sa Bocaue, Bulacan

29

Bocaue, Bulacan – Sugatan ang isang truck driver at kasama nito matapos na pagsasaksakin ng mga hijacker sa Bocaue, Bulacan.
Kinilala ang mga ito na sina Felipe Abrazaldo Jr., 32 anyos, truck driver at kasama nitong si Nonito Naingue Jr., 35 anyos.
Sa ulat ng Bulacan Police Provincial Office, alas-4:45 ng madaling araw kanina habang bumabiyahe ang mga biktima sakay ng trak na may plakang ABG-4812 at may kargang 500 sako ng bigas ay biglang sumulpot ang tatlong mga armadong kalalakihan sa may bahagi ng Bocaue, Bulacan.
Agad silang tinutukan ng baril at itinali ang mga kamay pagkatapos ay dali daling kinuha ng mga suspek ang 500 sako ng bigas.
Matapos makuha iniwan ng mga suspek ang mga biktima at trak sa kahabaan ng Plaridel-Pulilan Diversion Road sa Barangay Banga, 1st Plaridel, Bulacan.
Pero bago umalis, pinagsasaksak pa ng mga suspek ang dalawang biktima.
Kinilala ang isa sa suspek na si Gino Limberg Gutierrez, 25 anyos, nakatira sa Bulaon Resettlement, San Fernando, Pampanga na ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga pulis at ang dalawa pa nitong kasama.

Facebook Comments