Manila, Philippines – Iginiit ni Albay Rep. Edcel Lagman na walang nilalabag sa Konstitusyon ang absolute Divorce at Dissolution of Marriage.
Nanindigan si Lagman na walang probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal sa paglikha ng batas ukol sa divorce.
Aniya, unanimous ang naging boto ng mismong mga commissioner na bumuo ng 1987 Constitution na may kaugnayan sa karapatan ng Kongreso na lumikha ng divorce law.
Sinabi pa nito na ang kaparehong probisyon sa konstitusyon ng bansa may kaugnayan sa marriage and family life ay makikita rin sa saligang batas ng ibang mga bansa tulad ng Colombia, Bolivia, Peru, Chile, El Salvador, Portugal, Brazil, Poland, France, Saudi Arabia, Russian Federation at Cuba na pinapayagan ang absolute divorce.
Maging ang Canon Law o batas ng simbahan anya ay pinapayagan ang canonical divorces o “nullification of marriage”.
Dagdag pa ni Lagman, pinoprotektahan ng estado ang kasagraduhan ng kasal, pero obligasyon naman ng pamahalaan na bigyang proteksyon ang mga mag-asawang hindi mapagkasundo upang mapangalagaan ang anak ng mga ito at hindi malantad sa pag-aaway ng mga magulang.