Manila, Philippines – Pinalagan ng ilang mga senador ang pagturing ng US intelligence community kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang banta sa demokrasya sa Southeast Asia.
Tanong ni Senate Majority Leader Tito Sotto III, paano naging banta sa demokrasya ang drug war na ikinasa ni Pangulong Duterte?
Dahil dito ay hindi aniya maiwasang mapag isipan ang Estados Unidos na sumusuporta sa pamamayagpag ng iligal na droga sa Southeast Asia.
Para naman kay Senator Gringo Honasan, hindi na dapat bigyan ng importansya ang intel report ng US dahil hindi nga nito napigil ang matinding atake ng mga terorista noong September 11, 2001.
Paliwanag naman ni Senator Win Gatchalian, ibinase lang ang naturang report sa mga news headlines at tayong mga Pilipino ang nakakaalam ng katotohanan na hindi naman ganun ang Pangulo.
Diin pa ni Gatchalian, may maayos na sistema sa ating bansa at gumagana ang mga democratic institutions.
Giit naman ni Senator Manny Pacquiao, hindi naiintindihan ng US intel community ang ibig sabihin at layunin ni Pangulong Duterte na maging mapayapa at masagana ang bansa.
Dagdag pa ni Pacquiao, ang mga pahayag at aksyon ni Pangulong Duterte ay bahagi ng paghahangad nito na magkaroon ng respeto ang mga pilipino sa bawat isa at sa gobyerno at mahigpit na sumunod sa batas.