PINAGTANGGOL | PNP Chief, dinepensahan si PDEG Director Senior Supt. Ferro

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni PNP Chief PDG Ronald Bato Dela Rosa ang pagbabalik sa war on drugs ni Ssupt. Albert ignatius Ferro sa kanyang pagkakatalaga bilang Director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG).

Si Ferro ang dating Pinuno ng PNP Anti-illegal Drugs Group (AIDG) na binuwag matapos na masangkot ang ilang tiwaling tauhan ng AIDG sa pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo sa loob ng Camp Crame noong nakaraang taon.

Ayon Kay Dela Rosa, si Ferro ay unang ni-relieve sa kanyang pwesto sa AIDG upang bigyang daan ang isang patas na imbestigasyon kung saan napatunayan na wala siyang kinalaman sa kaso at nagkataon lang na mga tauhan niya ang involved sa naturang krimen.


Dagdag pa ng PNP Chief, naging instrumento pa nga si Ferro sa paglutas ng kaso dahil siya pa ang nagdala sa isa sa mga suspek sa AKG upang isiwalat lahat ng nalalaman nito sa kaso.

Bukod dito, sinabi ni Dela Rosa na malaki pa ang pwedeng maiambag ni Ferro sa kampanya kontra droga dahil sa kanyang mga established contacts sa mga foreign anti-drug agencies tulad sa China at sa Estados Unidos.

Matagal aniyang dine-develop ang mga contacts na ito, at dahil kilala na nila si Ferro, mas madali na ang koordinasyon ng PNP sa mga foreign anti-drug agencies.

Binigyang diin ng PNP Chief na buo ang kanyang tiwala kay Ferro na isang highly competent official na minalas lang noon.

Facebook Comments