PINAGTANGGOL | PNP Chief, pinagtanggol ang mga tauhang nagsagawa ng operasyon sa Tondo, Maynila

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa ang kanyang mga tauhang nagsagawa ng anti-illegal drugs operation sa Tondo, Maynila na ikinasawi ng apat na umano’y mga drug suspects at napaulat pa sa international news.

Nanindigan si PNP Chief na sumunod sa police operational procedure ang mga pulis ng Manila Police District (MPD).

Lumalabas kasi sa report ng Reuters, na inilipat ng mga pulis ang direksyon ng CCTV camera, hinawi o nag-clear muna ang mga ito ng mga tao sa lugar bago isinagawa ang operasyon, sinasabi rin sa report na hindi nanlaban ang mga drug suspect salungat sa spot report ng PNP na nagkaroon muna ng engkwentro bago napatay ang apat na suspek.


Depensa ni PNP Chief, inilipat ng mga pulis ang direksyon ng CCTV camera pagkatapos na ng operasyon, nag-clear aniya ang mga pulis sa lugar upang walang madamay na inosente at hindi rin daw nakita sa CCTV ang panlalaban ng mga drug suspects kaya hindi pwede sabihing pinatay ng walang kalaban-laban ang mga suspek.

Naniniwala si Dela Rosa na paninira lamang sa kanilang hanay ang balita, lalot itinaon na muling ibabalik sa PNP ang pangunguna sa war on drugs ng pamahalaan.

Sa ngayon, ayon kay Dela Rosa ipinauubaya niya na sa PNP Internal Affairs Service ang pag-iimbestiga sa kaso.

Facebook Comments