Manila, Philippines – Pinagtibay ng Pilipinas at Japan ang nasa ₱95 billion loan para sa pagsusulong ng mga proyektong magpapabuti ng imprastraktura at ekonomiya ng ating bansa.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Domiguez – pinangunahan nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at Japanese Ambassador Koji Haneda ang exchange notes.
Kabilang sa mga nilagdaang proyekto ay ang north-south commuter railway project mula Tutuban, Maynila hanggang Calamba, Laguna (south portion) at Malolos, Bulacan hanggang Clark, Pampanga (north section).
Layunin nitong mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila at magbigay ng ginhawa sa riding public.
Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱78 billion.
Bukod dito, pirmado rin ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase 4 kung saan sakop nito ang dredging, pagtatayo ng dike, control gate structure at pagsasa-ayos ng river walls.
Layunin nitong maibsan ang pagbaha sa mga mabababang lugar sa Metro Manila.
Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱18 billion.
Dagdag pa ni Dominguez, napag-usapan din ang ilang nakatakdang proyekto sa Pampanga, Metro Manila at Mindanao.