Manila, Philippines – Pinagtibay ni Manila Regional Trial Court Branch 51 Judge Merianthe Pacita Zuraek ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa kaso ng ilegal na droga laban sa confessed drug operator na si Kerwin Espinosa.
Sa isang pahinang kautusan, pinaboran ng hukom ang findings ng DOJ na may sapat na probable cause hinggil sa dalawang bilang ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Espinosa at convicted drug lord na si Peter Co, testigong si Marcelo Adorco, Lovely Impal at Ruel Malindangan.
Kaugnay nito ay nagpalabas na rin ng warrant of arrest si Judge Zuraek para sa ikadarakip ng limang akusado sa kaso.
Ngunit dahil nasa kostudiya na ng mga otoridad si Co sa New Bilibid Prisons, habang sina Espinosa, Adorco at Impal ay hawak na rin ng mga otoridad, inutos ng hukom na manatili sila sa kanilang kinapipiitan ngayon.
Itinakda na rin ng Korte ang pagbasa ng sakdal laban sa akusado sa Agosto 29, alas-10 ng umaga sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa City.
Walang inirekomendang piyansa ang hukom para sa pansamantalang paglaya ng mga akusado.
Ang kaso ay isinampa ng DOJ noong July 23 matapos ang preliminary investigation na isinagawa ng panel na pinamumunuan ni Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera kung saan napatunayan na may sapat na probable sa complaint PNP Criminal Investigation and Detection Group patungkol sa paglabag sa Section 26 (B) at Section 5 ng Article II ng R.A. 9165.