PINAHAHARAP | 3 media personality na sumaksi sa kaso ni Kerwin Espinosa, pinahaharap sa paglilitis ng husgado

Manila, Philippines – Pinahaharap ng Manila Regional Trial Court sa susunod na pagdinig ang mga miyembro ng mamamahayag na sumaksi sa isinagawang inventory ng Leyte PNP kaugnay sa mga nakumpiskang ebidensiya laban kay Kerwin Espinosa, ang tinaguriang drug lord sa Western Visayas.

Sa katatapos na paglilitis ni Judge Silvino Pampilo, Jr ng Manila Regional Trial Court Branch 26, kabilang sa padadalhan ng subpoena ay sina Ronnie Roa, Roberto Dijon at John Pilapil.
Ayon kina PO3 Neil Matugas Radin at PO2 Winifredo Guiron, nakaharap ang tatlong mamamahayag nang bilangin at markahan ang nakumpiskang ebidensiya gaya ng isang kalibre 45 na baril, mga plastic ng ilegal na droga, marked money na ginamit sa buy-bust, mga bala at iba pa.

Paliwanag ng mga abogado ng depensa na sina Atty. Raymund Fortun at Atty Jesus Obejero, mahalaga ang testimonya ng tatlong mamamahayag sa kaso laban kay Espinosa.


Samantala, tigil muna sa pagdinig ngayong susunod na buwan, Hulyo 2018, ang Manila RTC dahil sa inventory ng mga kaso.

Itutuloy ang pagdinig ni Judge Pampilo sa mga araw ng Biyernes sa buwan ng Agosto 2018.

Facebook Comments