Manila, Philippines – Ideneklara ng Korte Suprema na Tama lang na kaltasan ng buwis ang mga allowance at fringe benefit ng mga kawani ng gobyerno.
Tugon Ito ng Supreme Court sa petisyon ng mga kawani ng Hudikatura, Ehekutibo, Lehislatura at mga lokal na pamahalaan na kumukuwestiyon sa BIR Revenue Memorandum Order 23-2014.
Ayon sa korte, walang dagdag na buwis na ipinataw ang BIR dahil ipinapatupad lamang ng kawanihan ang probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997 na tumutukoy sa withholding tax sa compensation income.
Iginiit pa ng Korte Suprema na ang pagkakaroon ng fiscal autonomy ng Hudikatura, Ombudsman at ng mga Constitutional Commission ay hindi nangangahulugan na hindi sila sakop ng buwis na ipinapataw ng batas.
Samantala, idineklara naman ng Korte Suprema na iligal ang Section VI ng kinukuwestiyong kautusan ng BIR na nag-aatas sa mga gobernador, alkalde, barangay captain at pinuno ng mga ahensya ng gobyerno bilang taga-kaltas at taga-remit ng withholding taxes.