Manila, Philippines – Pinapahinto ng mga leader ng Senado ang pagpapatupad ng high occupancy vehicle o HOV traffic scheme na nagbabawal sa EDSA ng driver-only vehicles o mga sasakyang iisa lang ang nakasakay.
Nakapaloob ito sa Senate Resolution No. 845 na ini-akda nina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Miguel Zubiri, at Senate Minority Leader Franklin M. Drilon.
Giit ng Senate Leaders sa Metro Manila Council at Metropolitan Manila Development authority o MMDA, pag-aralan muna itong mabuti at maghanap ng iba pang paraan na tunay na makakaresolba sa problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ikinatwiran pa sa resolusyon na ang pagpapatupad sa isang sistema ng walang public consultation ay paglabag sa due process of laws na ginagarantiyahan sa ating konstitusyon.
Dagdag naman mi Senator Recto, hindi luho ang pagkakaroon ng sasakyan kundi isang pangangailangan dahil sa kawalan ng ibang masasakyan o mas maayos na mass transport system.
Diin pa ni Recto, may road users tax, at sari saring buwis sa gasolina at langis gayundin sa lisenya at plaka na binabayaran ang mga motorista.