Manila, Philippines – Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang intelligence gathering laban sa mga negosyanteng sangkot sa pagtatago ng bigas o rice hoarding.
Ito ay sa harap na rin ng kakulangan ng supply ng bigas sa bansa at utos nang pangulong tukuyin ang mga negosyanteng nagtatago nito.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, patuloy ang mahigpit nilang pakikipag ugnayan sa Department of Trade and industry, Department of Agriculture at National Food Authority para sa isinasagawang operasyon.
Katunayan aniya nitong nakalipas na Linggo, isang bodega na puno ng sako sakong smuggled rice mula sa China ang narekober ng PNP, Bureau of Customs sa Bulacan.
Naniniwala si PNP Chief na posibleng itinatago lamang ng mga negosyante sa mga bodega ang mga bigas at ilalabas lang kapag mataas na ang presyo nito.
Kaya naman kung kakailanganin aniya magpalabas sila ng search warrant sa pamamagitan ng PNP CIDG ay gagawin nila para lamang mahalungkat ang mga bodega na may mga itinatagong sako sakong bigas.