Pinaigting na paglaban sa OSAEC, ipinanawagan ng isang senador

Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na panatilihin ng gobyerno ang pinaigting na pagsawata Sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa bansa.

Binanggit ng senador na mas pinalakas na ang paglaban ng bansa sa OSAEC at iba pang uri ng child trafficking at pang-aabuso dahil sa dalawang napagtibay na batas, ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862) at Anti-Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930).

Ipinunto ni Gatchalian na responsibilidad ng pamahalaan na itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan partikular na sa paggamit ng internet na ngayon ay nagagamit na rin sa iba’t ibang uri ng karahasan at pang-aabuso.


Tiwala ang mambabatas na ang dalawang batas ang susi sa pagsugpo laban sa mga pang-aabuso sa mga kabataan gamit ang internet.

Maliban sa ilang mga pag-aaral na pagtaas ng porsyento ng mga kabataang nabibiktima ng online sexual exploitation at mga pang-aabuso, kinakitaan din ang COVID-19 pandemic sa biglang pagtaas sa mga kabataang nalantad sa OSAEC.

Noong 2021 sa ulat ng Department of Justice (DOJ), aabot sa mahigit 2.8 million ang natanggap nilang reports kaugnay sa OSAEC, dalawang beses na mas mataas kumpara sa 1.3 million na reports noong 2020.

Nakapaglunsad din ang DOJ ng imbestigasyon sa 268 OSAEC cases na apat na beses namang mas mataas sa 73 kasong naitala noong 2020.

Facebook Comments