Manila, Philippines – Iginiit ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC sa Senado na imbestigahan si dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Secretary Butch Abad at dating Health Secretary Janet Garin.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni Atty. Fedinand Topacio ng VACC, na maaring sampahan ng kasong plunder sina Aquino kaugnay sa kontrobersyal na pagbili ng gobyerno ng Anti-Dengue Vaccine na Dengvaxia sa halagang 3.5 billion pesos.
Pero agad na binara ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Topacio sa pagsasabing in aid of legislation ang kanilang pagdinig.
Paliwanag naman ni Topacio, hindi akusasyon ang kanyang mga inihayag kundi mga mungkahi lamang.
Sa nagpapatuloy na hearing ay binigyang diin naman ni Dr. Antonio Dans ng National Academy of Science and Technology na ‘bad science’ ang ugat ng problema ngayon sa Dengvaxia.
Iginiit din ni Dans na ihiwalay ang Food and Drugs Administration sa Department of Health upang magkaroon ng checks and balance.
Sabi naman ni dating Health Secretary Paulyn Ubial, pinalawig nila ang anti-dengue immunization dahil sabi ng World Health Organization (WHO) ay ligtas at epektibo ang bakuna kaya umabot sa 124,000 ang dagdag pang nabigyan ng bakuna.
Sa pagdinig ay nilinaw naman ng kinatawan ng WHO na ang pagbibigay ng bakuna sa mamamayan ay desisyon ng isang gobyerno at hindi ng WHO.