PINAIIMBESTIGAHAN | Makabayan, naghain na ng resolusyong nagpapaimbestiga sa "Oplan Tambay" ng PNP

Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan na ng Makabayan sa Kamara ang “Oplan Tambay” na inilunsad ng Philippine National Police.

Sa House Resolution 1969 na inihain ng mga kongresista mula sa Makabayan Bloc, inaatasan ang House Committee on Human Rights na siyasatin ang ‘Oplan Tambay’ ng na unang ipinag-utos ni Pangulong Duterte.

Mula nang ipinag-utos ng Pangulo ang paghuli sa mga tambay, aabot na sa 7,291 ang naarestong mga tambay ng NCRPO.


Pinasisiyasat din ng grupo ang mga reklamo nang maraming paglabag sa karapatan ng mga nadadakip at nakukulong na tambay.

Binigyang diin sa resolusyon na kung hindi kikilos ang Kongreso para pigilan ang paglala ng ‘Oplan Tambay’ ay tiyak na mauuwi ito sa matitinding kaso ng police brutality at extra judicial killings.

Matatandaang nasawi sa loob ng detention cell ng QCPD ang nahuling tambay na si Genesis Argoncillo na dinakip ng mga pulis habang nagpapaload sa tindahan sa labas lamang ng kanilang bahay.

Facebook Comments