Ipinatutupad ang price freeze policy para sa household LPG sa mga lugar na may ipinatutupad na state of calamity, katulad sa lalawigan ng Albay kung saan may napipintong pagputok ng Bulkang Mayon.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy (DOE) Assist Director Rodela Romero na ang umiiral na price freeze sa LPG sa Albay ay nagsimula nitong June 9 at magtatagal hanggang June 29.
Dapat din aniyang tama ang timbang ng laman ng LPG na ibinibenta sa publiko o umaayon sa standard na 11 kg kada tangke.
Sa pangkabuuan, sinabi ni Romero na sa July 1 na ulit inaasahang magkakaroon ng price adjustment sa household liquified pertroleum gas o LPG
Nakabatay kasi aniya sa contract price ng Saudi aramco ang benchmarck para sa presyuhan ng LPG at isang beses sa isang buwan lamang aniya ito ginagawa.
Maliban naman sa pagbabantay sa presyo ng produktong petrolyo, sinabi ni Romero na palagian silang nagsasagawa ng pag-inspeksyon sa mga gasolinahan.
Regular aniya nilang sinusuri ang mga depot hanggang sa retail outlets para makita na tama ang sukat at kalidad ng produktong petrolyo na ibinibenta sa publiko.
Regular din aniya nilang ina-update ang presyo sa kanilang website para mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makapamili ng gasolinahan na may murang produktong petrolyo.
Magkakaiba pa rin kasi aniya ang presyo sa bawat gasoline station.