Pinaikling quarantine period, nakatulong para bumaba ang occupancy rate ng quarantine facility sa PNP Headquarters

Malaking tulong ang pinaikling quarantine period para sa mga pasyenteng bakunado at positibo pero asymptomatic sa COVID-19 upang mabawasan ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na naka-quarantine ngayon sa Camp Crame.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force Commander PLt. Gen. Joselito Vera Cruz, ramdam agad nila ang epekto ng bagong patakaran kung saan mula sa 10 araw ay ibinaba sa 5 araw ang quarantine period sa mga bakunado at walang sintomas na may sakit.

Paliwanag nya, nabawasan ang bilang ng mga PNP personnel na naka-quarantine ngayon sa isolation at treatment facilities sa loob ng Camp Crame.


Mula sa 102.32 percent, bumaba na lang sa 23.39 na ang bed occupancy rate sa kanilang facilities.

Kaya naman mas napagtutuunan nila ng pansin ang moderate cases ng mga nagkakasakit.

Una nang sinabi ng PNP na karamihan sa mga kaso nila ng COVID-19 ay asymptomatic naman.

Samantala, pagkatapos ng 5 araw na quarantine ay muling isasailalim sa COVID test ang mga nagkasakit upang matukoy kung maari nang bumalik sa duty.

Facebook Comments