Pinaikling quarantine period ng mga healthcare workers, “band-aid” solution lang – PNA

Tinawag na “band-aid solution” ng Philippine Nurses Association (PNA) ang ipinapatupad ngayon na mas maikling quarantine period para sa mga healthcare workers.

Nabatid na mula sa 10 araw ay ginawa na lamang limang araw ang kanilang quarantine period.

Ayon kay PNA President Melbert Reyes, panapal lang ito sa nararanasang kakulangan ng mga healthcare workers sa mga ospital dahil marami sa kanila ang tinatamaan na rin ng COVID-19.


Sa pagtaya nila, tatlo hanggang limang healthcare workers ang nagpopositibo sa COVID-19 kada araw sa kada ospital sa Metro Manila.

“Mahirap yan ano, kasi alam naman natin na ang days of quarantine ay may scientific basis yan ano, but then, naiintindihan natin ba’t nila ginagawa yan. Band-aid solution na naman yan para ma-address yung shortage doon sa ating mga hospitals ano,” ani Reyes sa interview ng RMN Manila.

Gayunman, aminado si reyes na wala naman silang magagawa kundi sumunod sa utos ng gobyerno.

Pero dapat aniyang maglatag ng safety measures ang pamahalaan para masigurong hindi na magiging at risk ang buhay ng mga healthcare workers at hindi na sila makakapanghawa oras na bumalik sa trabaho.

“Hindi naman tayo pwedeng tumalikod sa serbisyo because of yung mga things like that na ano, will not favors the healthcare workers,” dagdag ni Reyes.

“Siguraduhin lang po nila sana na hindi magiging at risk yung buhay ng ating mga heath workers and alalahanin din po natin na yung quarantine days will somehow affect yung thread ng COVID-19 kasi syempre kung hindi tayo sigurado, di ba… palalabasin natin, pagtatrabahuhin natin, pwede silang maging source nung spread,” giit pa niya.

Sa ngayon, sumampa na sa mahigit 6,000 healthcare workers sa Metro Manila ang naka-quarantine ngayon dahil sa COVID-19.

Facebook Comments