Pinaiksing quarantine sa mga biyaherong fully vaccinated na laban sa COVID-19, epektibo na sa Hulyo 1

Iniklian na ng pamahalaan ang quarantine period ng mga indibidwal na papasok sa Pilipinas na fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mula sa 10 araw, magiging pitong araw na lang ang quarantine ng mga bakunadong biyaherong magmumula sa “green” o low-risk countries simula Hulyo 1.

Kung magnegatibo sa COVID-19 test, kailangan pa ring tapusin ng mga ito ang pitong araw na quarantine at kung nagpositibo, dapat ay sundin ang isolation protocols.


Aniya, ikokonsiderang fully vaccinated ang mga biyaherong nakatanggap ng huling dose ng bakuna matapos ang dalawang linggo o dalawang linggo matapos makatanggap ng single-dose vaccine.

Paliwanag pa ni Roque, tanging ang mga bakunang aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang pahihintulutang makapasok ng bansa.

Kailangan ding magpakita ng mga bakunado ng patunay na sila ay fully vaccinated sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Habang sa mga biyaherong nabakunahan sa bansa, kailangang ipresenta ang vaccination card na bineripika bago umalis sa Pilipinas.

Facebook Comments