Inilatag ni Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando ang kaniyang mga plano sakaling mahirang bilang susunod na Chief Justice.
54-anyos lamang si Justice Hernando at naniniwala siya na advantage ang pagiging bata sa Chief Justice post.
Aniya, kung siya ang papalarin na maging susunod na Chief Justice, mayroon siyang 16 na taon sa puwesto.
Inihayag din ni Justice Hernando na bahagi ng kanyang long term plans ang pagresolba sa backlog cases sa Supreme Court at mga lower courts.
Naniniwala siya na mistulang sakit ang backlog na kinakailangang solusyunan.
Mayroon aniyang kabiguan na resolbahin ang mga pending na kaso sa mga korte taon-taon kaya nagkakaroon ng backlog.
Kasama rin sa plano ni Justice Hernando ang pagtugon sa kakulangan ng mga sariling vital infrastructure ng Hudikatura.
Kinakailangan aniyang pagtuunan ng pansin ang konstruksyon ng mga Halls of Justice dahil malaki ang pangangailangan na magkaroon ng sariling mga tanggapan ng mga korte na hiwalay sa mga pag-aari ng Local Government Units gaya sa Lungsod ng Maynila.
Sa usapin ng pagbabawal sa mga fraternity sa mga law schools, sinabi ni Justice Hernando na sa ngayon, bawal na ito sa kanilang alma mater na San Beda College.