Pinakahuling aksyon ng China sa West Philippine Sea, kinondena ng Kamara

Mariing kinondena ng House of Representatives, ang naging aksyon ng barko ng China Coast Guard na nagresulta sa pagbangga nito sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na may dalang suplay para sa ating mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang ginawa ng China Coast Guard ay naglagay sa buhay ng mga sakay ng ating barko sa peligro bukod sa malaking banta din ito sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Giit ng liderato ng Kamara, dapat sumunod ang China sa international maritime laws and standards, maging maingat sa mga aksyon nito at garantiyahan ang kaligtasan ng lahat ng mga barko na naglalayag sa West Philippine Sea (WPS).


Diin ni Speaker Romualdez, gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng mapayapang pamamaraan upang makuha ang suporta ng international community sa layuning mapigilan ang mga ganitong hakbang ng China sa hinaharap.

Facebook Comments