Lalo pang bumaba ang palitan ng piso kontra dolyar, kahapon, Hulyo 7.
Base sa foreign exchange summary ng Bank Association of the Philippines (BAP), nagsara sa ₱56.06 ang halaga ng kada isang US dollar kung saan lumampas na ito sa ₱56 per-dollar-mark.
Ito na ang pinakamababang halaga ng piso kontra dolyar sa nakalipas na 17 taon simula 2005 at malapit na sa record-low na ₱56.45.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) chief economist Michael Ricafort, maiuugnay ang paghina ng piso sa pagbaba ng gross international reserves ng bansa.
Sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nasa 1.7% ang nawala sa $103.53 bilyon na reserbang dolyar ng Pilipinas sa pagtatapos ng Mayo, na pinakamababa mula Setyembre 2020.
Nauna na ring nagbabala si BPI lead economist Jun Neri na ang mabilis na pagbaba ng halaga ng piso ay maaaring magdulot ng mas mataas na inflation rate sa bansa.