Naitala kahapon, Hulyo 12, ang pinakamababang palitan ng piso kontra dolyar makalipas ang 17 taon.
Base sa foreign exchange summary ng Bank Association of the Philippines (BAP), nagsara sa P56.37 ang halaga ng kada isang US dollar kung saan malapit na ito sa record-low na P56.45 na naitala noong October 14, 2004.
Ito na ang pinakamababang halaga ng piso kontra dolyar sa nakalipas na 17 taon simula 2005 at malapit na sa record-low na P56.45.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) chief economist Michael Ricafort, maiuugnay ang paghina ng piso sa pinakahuling datos ng kalakalan sa bansa.
Sa pinakahuling datos kasi ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa $5.678 ang trade deficit noong Mayo, kung saan tumaas ito mula sa $5.438 billion noong Abril 2022 at $3.180 billion in Abril 2021.
Napansin din ni Ricafort ang paglakas ng US dollar laban sa mga pangunahing global currencies tulad ng euro at Japanese yen, kasunod ng mga hawkish signal mula sa US Federal Reserve.
Matatandaang nagpahiwatig ang Federal Reserve ng posibilidad na 75-basis-point hike sa susunod na pagpupulong nito, habang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nagtaas lamang ng 50 basis points sa kasalukuyan.