Bumaba na sa 2% ang positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ito na ang pinakamababang positivity rate na naitala sa NCR mula nang umpisahan ang COVID-19 testing sa rehiyon.
Ibig sabihin, sa 100 indibidwal na sumasalang sa testing, dalawa na lang ang nagpopositibo.
Samantala, mula November 11 hanggang 17, bumaba na sa 349 ang seven-day average ng mga bagong kaso ng virus sa NCR mula sa 421 noong nakaraang linggo habang 1,500 naman sa buong bansa.
Nasa 0.48 na lamang ang reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19 sa Metro Manila.
Bumaba na rin ang Average Daily Attack Rate (ADAR) o incidence rate sa 2.46 per 100,000 population.
Dahil dito, nananatiling “low risk” sa COVID-19 ang NCR kung saan limang lungsod ang tinukoy na “very low risk” kabilang ang Navotas, Caloocan, Pateros, Marikina at Valenzuela.
Habang nasa “moderate risk” na lamang ang lahat ng mga probinsya.