Hindi pa rin umaalis sa Escoda Shoal ang pinakamalaking barko ng China Coast Guard (CCG).
Taliwas ito sa naunang ulat na wala na ang barko sa teritoryong sakop ng Pilipinas.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nananatili sa Escoda Shoal ang tinaguriang “monster ship” ng CCG.
Bukod sa naturang barko, kinumpirma rin ni Tarriela na pumasok din sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang isa pang barko ng China Coast Guard na namataan sa layong 60 nautical miles kanluran ng Lubang Island.
Pero sa ngayon aniya ay wala na ito sa Lubang Island at patungo na ng Palawan batay sa kanilang huling monitoring.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng PCG ang monster ship habang dineploy na rin ang BRP Melchora Aquino para buntutan ang barkong papunta sa Palawan.