Naglatag ng kondisyon ang pinakamalaking grupo ng mga rice retailer sa bansa kasunod ng pangako nilang pagsunod sa price ceiling sa bigas.
Ayon kay Grains Retailers Confederation of the Philippines National President James Magbanua, ikinagulat ng mga retailer ang EO na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunman, susundin nila ang utos bilang responsableng mamamayan.
Pero, hiling ng GRECON, dapat ay pansamantala lamang ang implementasyon ng price ceiling.
Paliwanag ni Magbanua, nabili ng mga retailer ang well-milled rice sa halagang P50 kada kilo habang P45 kada kilo naman para sa regular milled rice.
Nakasaad sa EO na ang well-milled rice ay dapat ibenta lamang sa maximum price na P45 habang sa regular milled rice ay P41.
Dahil sa price cap, malulugi aniya sila ng mula P5,000 hanggang P7,500 kada araw.
Katanggap-tanggap naman sa kanila ang ipinangakong P15,000 ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga maaapektuhang retailer.
Ayon sa grupo, mayroon silang mahigit 65,000 miyembrong retailer sa buong bansa.