Pinakamaraming Nahuli na Lumabag sa Community Quarantine sa Isabela, Naitala ng PNP Roxas!

Cauayan City, Isabela- Naitala sa bayan ng Roxas ang may pinakamaraming nahuli na lumabag sa mga panuntunan mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine patungo sa General Community Quarantine sa probinsya ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Engelbert Bunagan, hepe ng PNP Roxas, sinabi nito na mula sa lahat ng hanay ng pulisya sa Lalawigan ay sila ang may pinakamaraming bilang ng mga naaresto na lumabag sa Community Quarantine na umabot sa halos tatlong (3) libo o 2, 858 na katao.

Karamihan sa mga nahuhuli ay mga Unauthorized Person Outside Residence (UPOR), mga lumabag sa social distancing, walang suot na facemask at mga naabutang pagala-gala sa kalsada o lumabag sa curfew.


Ayon kay PMaj. Bunagan, walang nasampahan ng kaso sa kanilang mga nahuli subalit ikinulong ang mga ito sa loob ng 11 hanggang 12 oras.

Kaugnay nito, patuloy pa rin aniya ang kanilang mahigpit na pagbabantay ay pagpapatupad sa mga protocols laban sa COVID-19 lalo na aniya at hindi lang ang 26 na mga barangay ang nagtutungo sa bayan ng Roxas upang mamalengke dahil maging ang mga kalapit na bayan ay dito na namimili.

Iginiit naman ng Hepe na sapat ang kanilang pwersa sa pagmamando sa mga checkpoints katuwang ang 1st Maneuver Company at BFP Roxas at pagtiyak sa social distancing sa kanyang nasasakupan lalo na sa mga taong papasok sa palengke.

Nanawagan naman ito sa kanyang mga kababayan na sumunod sa mga health protocols at tumalima sa mga ipinapatupad na alituntunin mula sa IATF upang makaiwas sa sakit na COVID-19.

Facebook Comments