Pinakamataas na average download speed para sa fixed broadband naitala noong nakaraang buwan ng Pebrero

Naitala ang pinakamataas na average download speed para sa fixed broadband sa bansa noong buwan ng Pebrero 2021.

Ayon sa Ookla Speedtest Global Index, nakapagtala ng 5.73 na puntos na pagtaas mula sa dating 32.73Mbps noong nakaraang buwan patungo sa 38.46Mbps noong February 2021.

Iniulat din ng Ooakla ang monthly increase na 17.51%, at 386.22% increase mula sa download speed na 7.91Mbps back noong July 2016.


Bumuti din ang network overall performance sa bansa matapos makapagtala ng download speed na 26.24Mbps, o katumbas ng pagtaas na 252.68% mula sa 7.44Mbps noong July 2016.

Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong July 2020 na pabilisin ang pag-iisyu ng permits ng mga LGUs.

Dahil sa mas pinadaling proseso sa permits tumaas ang bilang ng mga cellular towers na naitayo ng mga telco.

Mula July 2020 hanggang January 2021, umabot sa 3,211 na dagdag na mga tower ang naitayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa ngayon, maroong kabuuang 23,106 na cellular towers sa bansa. Sa naturang bilang, 10,596 ang sa Globe; 10,150 ang sa Smart at 2,360 ang sa Dito.

Patuloy din ang paglalaan ng pondo ng mga telco para sa kanilang fiber optic network kung saan umabot na sa 320,748 cable-kilometers ang nailatag sa buong bansa.

Ang Smart/PLDT ay mayroong 178,061 cable-kilometers ng fiber optic built; ang Globe ay mayroong 69,249; ang Converge ay 58,319; at ang DITO ay 15,119.

Tuluy-tuloy din ang pagsasagawa ng strategic meetings ng DICT at ng NTC sa Globe, Smart, DITO at Converge para masigurong on-time ang roll-out ng kani-kanilang expansion at improvement plans ngayong taon.

Binabantayang mabuti ng NTC at DICT ang mga hakbang ng telcos sa pagpapabuti ng internet speed sa bansa, dahilan kaya gumanda ang rankings ng Pilipinas sa Speedtest Global Index ng Ookla.

Magugunitang kamakailan, pinuri ni Makati City Rep. Luis Campos Jr. ang mas mainam nang serbisyo ng internet speed partikular sa mobile broadband base sa January Speedtest Global Index.

Noong Enero ay tumaas ang mobile internet speed ranking ng bansa ng 10 pwesto mula sa dating pang-96 ay umakyat sa pang-86 ang Pilipinas sa buong mundo.

 

Facebook Comments