Nakapagtala ng 15 bilang ng bagong kaso na positibo sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 ang lungsod ng Taguig.
Ito ay batay sa datos ng Taguig City Health Office pasado alas-9:00 kagabi.
Ang nasabing bilang ay mula sa Barangay Central Signal, Ibayo Tipas, Fort Bonifacio, Napindan, Bambang, Maharlika Village Central Bicutan, Western Bicutan na meron tig-isang bagong kaso ng COVID-19.
Ang Barangay Calzada naman ay may pinakamaraming naidagdag na positibo sa virus kagabi kung saan umabot ito ng 7.
Kaya naman, may kabuuang bilang na 274 na confirmed cases ng COVID-19 ang Taguig.
Nananatili pa rin sa 17 ang bilang ng nasawi at 46 naman ang bilang ng mga nakarekober.
Batay sa tala ng Heath Office ng lungsod, ang unang araw na may pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 na kanilang naitala ay noong nakaraaang buwan, April 21 kung saan umabot ito ng 20.
Ang Taguig City ay nasa rank 7 sa may pinakamaraming bilang ng kaso ng Coronavirus sa lahat ng lungsod sa Metro Manila.