Pumalo sa pinakamataas na lebel sa loob ng anim na buwan ang foreign direct investments (FDIs) sa bansa nitong Oktubre.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), naitala ang FDI net inflows sa $923 million noong Oktubre 2022, na mas mataas sa $626 million dollars noong Setyembre at $868 million noon Oktubre 2021.
Ito na ang pinakamataas na net inflows mula sa $1.024 billion na naitala noong Abril 2022.
Sa kabila nito, hindi pa rin umano ito sapat upang bawiin ang sunod-sunod na pagbaba sa mga nagdaang buwan.
Ang pinakamalaking capital placements sa nabanggit na buwan ay mula sa Japan na sinundan ng Estados Unidos at Singapore na nakalaan sa financial at insurance, manufacturing at real estate sector.
Dahil dito ay umakyat sa $7.635 bilyon ang cumulative net inflows mula Enero hanggang Oktubre, o 8.3% na pagbaba mula sa $8.3-billion net inflows sa kaparehong panahon noong 2021.
Nauna nang sinabi ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) nitong Disyembre na target nila ang $128-billion halaga ng FDIs sa bansa sa pagtatapos ng 2030.