DAGUPAN CITY , PANGASINAN – Nakapagtala ang Dagupan City kahapon ng tatlumput isa (31) na bagong kaso ng COVID-19 , ang pinakamataas na arawang bilang ngayong taon.
Dahil dito sumampa na sa 2, 140 ang kabuuang dami ng nagpositibo sa sakit, 176 dito ang nanatiling aktibo base sa datos ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City.
Ayon kay Dagupan City Mayor Marc Brian Lim, may posibilidad na umiikot na sa lungsod ang iba’t-ibang variant ng sakit kasama na ang Delta Variant.
Kasabay ng pagdami ng naitatalang kaso sa lungsod ang muling pagpapatupad ng mahigpit na border control points at ang pagpapaigting ng vaccination program ng lungsod.
Sinabi ng Alkalde na inaayos na ng lokal na pamahalaan ang layout ng People’s Astrodome na siyang vaccination center ng lungsod upang mapataas ng 20-30% ang bilang ng mga nababakunahan kada araw.
Patuloy din na naghihire ang lungsod ng karagdagang nurse na siyang tutulong sa vaccination program at nakatakdang ideploy sa mga quarantine facility.
Bilang paghahanda naman sa surge ng COVID-19 cases inalerto na ang PNP na kakailanganin kung sakaling mang magkaroon ng mga barangay na isasailalim sa lockdown.
Iginiit ng alkalde na ang solusyon sa nararanasang pandemya ay bakuna at disiplina.
Sa kasalukuyan nasa 71% na ang hospital bed capacity ng mga hospital at 49. 54% ang quarantine facility capacity ng lungsod.