Pinakamataas na koleksyon sa isang araw, naitala ng BOC

Naitala ng Bureau of Customs (BOC) ang bagong record nito sa pinakamataas na nakolekta sa loob ng isang araw.

Ayon sa BOC, noong April 28 ay nakakolekta ito ng ₱7.51 bilyon na mas mataas ng ₱1.43 bilyon o 23.64% sa dating record na ₱6.07 bilyon, na naitala noong October 14, 2022.

Pinuri at pinasalamatan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang mga empleyado at stakeholder ng ahensya sa kanilang dedikasyon at masigasig na pagtratrabaho na nagreresulta sa magandang performance ng BOC.


Noong April ay muli ring nalagpasan ng BOC ang kanilang target nitong makolekta kung saan umabot ito sa ₱68.27 bilyon, na mas mataas sa target nitong ₱68.19 bilyon.

Sinabi ni Rubio na sa unang apat na buwan ng taon ay nakakolekta na sila ng ₱281.9 bilyon lagpas ng 6.29% o ₱16.68 bilyon sa target nitong ₱265.22 bilyon.

Mas mataas naman ito ng 10.89% sa nakolektang ₱254.22 bilyon sa unang apat na buwan ng taong 2022.

Ang mataas na koleksyon ay dulot ng magandang valuation sa mga non-oil importation ayon sa Revenue Collection Monitoring Group Financial Service ng BOC.

Ang kita ng BOC ang isa sa pinanggagalingan ng pondo na ginagamit ng gobyerno sa implementasyon ng mga programa at proyekto nito.

Kasabay ng mataas na koleksyon ay pinaigting din ng BOC ang kanilang pagbabantay laban sa mga produkto na iligal na ipinapasok sa bansa.

Facebook Comments