Pinakamataas na protocol sa pagtugon sa emergency, activated na sa ilang rehiyon sa bansa dahil sa Bagyong Amang

Pinagana na ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang kanilang Charlie protocol para sa Bagyong Amang partikular sa Region 4A, 5 at 8.

Ayon kay Diego Mariano, Office of Civil Defense Information Officer, ang Charlie protocol ang pinakamataas na protocol sa mga emergency.

Hiwalay pa ito sa alerto na itinataas kapag may bagyo.


Base sa Charlie protocol, dapat magpadala ng maya’t mayang abiso at warning ang NDRRMC at magpalabas ng travel advisory.

Nakasaad din dito na dapat paganahin ang mayorya ng response clusters ng ahensya at maglabas ng situational report.

Ipinag-uutos din dito ang mahigpit na monitoring sa mga insidente tulad ng pagbaha at landslide na posibleng maidulot ng bagyo.

Samantala, sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Region 1, 2 at 3 activated ang Bravo protocol habang Alpha protocol naman ang sa CARAGA region.

Facebook Comments