Pinakamatandang lalaki sa mundo, pumanaw na sa edad na 112

(Guinness World Records)

TOKYO, Japan – Pumanaw na sa edad na 112 ang tinaguriang pinakamatandang lalaki sa buong mundo dalawang Linggo matapos itong kilalanin ng Guinness World Records.

Sa ulat ng Agence France-Presse, yumao si Chitetsu Watanabe nitong Linggo sa tinutuluyan niyang nursing home sa Niigata.

Opisyal na hinirang bilang World’s oldest man si Watanabe sa edad na 112 nito lamang buwan ng Pebrero.


Ang pagiging palangiti at hindi raw pagiging magagalitin ang kanyang sikreto sa pagkakaroon ng mahabang buhay.

Si Watanabe ay isinilang noong March 5, 1907 at biniyayaan ng limang anak.

Noong nabubuhay pa ay ikinuwento rin niya ang pagkahilig sa matatamis gaya ng custard pudding at ice cream.

Sa ngayon ay si Issaku Tomoe na ang pinakamatandang lalaki sa Japan sa edad na 110 ayon sa ulat ng Jiji Press ngunit hindi naman nabanggit kung siya rin ang humahawak ng titulo sa buong mundo.

Nananatili namang pinakamatandang taong nabubuhay sa mundo ang Japanese woman na si Kane Tanaka sa edad na 117.

Samantala, kilala ang Japan bilang isa sa world’s highest life expectancies at bansa ng ilang mga kinilalang pinakamatatandang tao sa mundo.

Kasama na rito si Jiroemon Kimura, ang naitalang pinakamatandang taong nabubuhay noong 2013 na kalauna’y pumanaw sa edad na 116.

Facebook Comments