Dahil sa kakapusan sa pondo, bibilhin ng Pilipinas ang pinakamurang COVID-19 vaccine na mayroon sa merkado.
Katwiran ni Pangulong Rodrigo Duterte, pare-pareho lang naman ang epekto ng lahat ng mga bakuna.
Sa kanyang public address, sinabi ng Pangulo na handa na ang bakunang gawa ng U.S. company sa Setyembre gayundin ang sa China.
Aniya, kung sino ang magbibigay ng mura, ito ang bibilhin ng bansa.
“Sinabi ko nga, meron na. I think it’s Moderna, it is a U.S. company. I think they are ready by September… Sinovac, China is also ready,” pahayag ni Pangulong Duterte.
“Pare-pareho lang naman ‘yan. Kung sino mauna magbigay sa atin ng mura dun tayo pupunta. Kasi they know that we do not have enough money, kung mahal masyado, we will go for the less expensive ones,” dagdag pa ng pangulo.
Sa ilalim ng panukalang Bayanihan to Recover As One Act na naghihintay na lang ng pirma ng Pangulo, itinabi na ang P10 bilyong standy fund para sa COVID-19 vaccines at testing.
Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na babayaran ng gobyerno ang bakunang magiging available sa mga Pilipino para labanan ang virus.
Hihilingin din niya sa gobyerno ng Russia at China na makapag-loan ang Pilipinas para sa bakuna bunsod ng nararanasang “economic hemorrhage” ng bansa.