
Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na dapat tanggapin at igalang ang pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang unconstitutional ang mga articles of impeachment na inihain ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Inilabas kahapon ng Supreme Court ang pinal na ruling na nagbasura sa apela ng House of Representatives na baligtarin ang naunang desisyon noong nakaraang taon na nagdeklara ring labag sa Konstitusyon ang impeachment case laban sa bise presidente.
Sa post ni Lacson sa kanyang X account, binigyang-diin ng senador na sang-ayon man o hindi, tama man o mali, makatarungan man o hindi, kailangang tanggapin at igalang ang desisyon ng Korte Suprema.
Aniya, hindi tatawaging “Gods of Padre Faura” ang mga mahistrado kung wala silang mahalagang papel bilang tagapagpaliwanag ng Saligang Batas.
Dagdag pa ni Lacson, ang Korte Suprema ang final arbiter at interpreter ng Konstitusyon kaya wala nang ibang ahensyang maaaring magbigay ng pinal na interpretasyon sa batas.
Nilinaw rin ng senador na hindi ito usapin ng politika o kung sino ang panalo o talo sa isyu.
Giit ni Lacson, anuman ang naging pasya ng hukuman, nananatili ang kanyang paninindigan na igalang ang rule of law.










