PINALAGAN | Divorce bill, tinutulan ng ilang senador

Manila, Philippines – Nagpahayag ng pagtutol ang ilang mga senador sa divorce bill na nakapasa na sa committee level ng mababang kapulungan.

Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto III, tutol siya sa panukala at sa tingin niya maliit ang tsansa na pumasa ito sa senado.

Matindi rin ang pagkontra dito ni Senator Joel Villanueva at mas pabor siya na gawing simple ang proseso ng annulment na ngayong aniya ay maituturing na anti-poor.


Maging si Senator Francis Chiz Escudero na annulled na ang kasal sa unang asawa ay hindi rin pabor na magkaroon ng divorce sa bansa at ang suhestyon niya ay gawing abot-kaya ang proseso ng annulment.

Iginiit naman ni Senator Panfilo Ping Lacson ang pag-preserba sa sanctity ng kasal at ayaw din niyang mawalan ng halaga ang pagpapakasal at maging pangkaraniwan na lang ang paghihiwalay sa bansa.
Gayunpaman, bukas si Lacson na makita ang mahalagang nilalaman ng panukala at ng magiging bersyon nito sa senado.

Ayaw naman ni Senator Win Gatchalian na dahil sa divorce bill ay maging ‘drive thru’ o napakadali na lang ang magpakasal at makipaghiwalay dito sa Pilipinas.

Ang mungkahi ni Senator Gatchalian, gawing malinaw at resonable ang proseso ng paghihiwalay ng mag asawa na hindi na talaga maaring magsama lalo na kung may pag-abuso at karahasan ng nangyayari sa kanilang dalawa.

Facebook Comments