PINALAGAN | DOH Sec. Duque, pumalag sa pahayag ng PAO na ipinagpatuloy niya ang kontrobersiyal na Anti-Dengue Vaccination Program ng nakaraang administrasyon

Manila, Philippines – Itinanggi ni Department of Health Secretary Francisco Duque III ang mga paratang ni Public Attorney’s Office Chief Percida Acosta na ipinagpatuloy pa niya ang Dengvaxia program noong November 2017 makaraang ipahinto ito dahil sa kontrobersya.

Noong nakaraang linggo, ibinunyag ni Acosta sa RMN Manila na limang bata na ang namamatay sa panahon ng panunungkulan ni Duque na umano’y naturukan ng Dengvaxia.

Sa interview ng RMN Manila kay Duque, agad niyang ipinatigil ang Anti-Dengue Vaccine Program matapos aminin ng Sanofi Pasteur noong November 29, 2017 na maaring makaranas ng severe dengue ang mga naturukan nito kapag hindi pa nakaranas o na-expose sa dengue.


Pero, aminado siyang may ilan pang naturukan ng Dengvaxia sa kanyang pag-upo noong November 7, 2017 dahil hindi pa niya alam ang mga programang tumatakbo noon sa DOH, dahil bago pa lamang siya sa pwesto.

Samantala, nagpaliwanag din si Duque kaugnay sa hinihingi ng pao na masterlist ng mga naturukan ng Dengvaxia.

Giit niya, ipa-subpoena nalang ito ng Public Attorney’s Office dahil kinokonsidera nila ang National Data Privacy Act.

Facebook Comments