PINALAGAN | Grupo ng mga Sugar Workers. binatikos ang PNP sa maagang paghusga sa tinaguriang Sagay 9

Pinalagan ng National Federation of Sugar Workers ang pagtawag sa kanilang samahan bilang front ng New Peoples Army.

Sinabi ni John Milton Lozande, Secretary General ng NFSW, nawalan na ng moral na karapatan ang PNP na magimbestiga sa madugong pamamaril at pagpatay sa Sagay 9 dahil mistulang may nabuo ng kongklusyon ang PNP.

Ito ay matapos agad na isinisi ng pulisya sa NPA ang malagim na krimen.


Aniya, para na ring sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na dapat lamang na mapatay ang Sagay 9 dahil kabilang sila sa isang rebel front.

Hindi na rin ikinagulat ng grupo ang report ng PNP sa Negros na nanlaban umano ang ilan sa napatay na magsasaka.

Wala aniya itong ipinagkaiba sa Tokhang style na naikakabit sa mga pulis sa kanilang war on drugs.

Nakahandang makipagtulungan ang NFSW sa ipinadalang team ng Commission of Human Rights na hiwalay na magsisiyasat sa nangyaring malagim na pangyayari sa Hacienda Nene.

Facebook Comments