Manila, Philippines – Maghahain ng resolusyon si Akbayan Rep. Tom Villarin para imbestigahan ang pagbaligtad ng Korte Suprema sa final ruling na nagdedeklarang iligal ang retrenchment sa libu-libong mga tauhan ng Philippine Airlines.
Sa botong 7-2, inabanduna ng SC en banc ang naunang October 2, 2009 decision na nagdedeklara na iligal ang dismissal sa mga PAL employees at miyembro ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP).
Aabot sa 1,400 flight attendants at stewards ng PAL ang apektado ng nasabing desisyon.
Kinukundena ni Villarin ang pagbaligtad ng SC dahil ito ay isang “classic case” ng kawalan ng hustisya at pagpabor sa makapangyarihan.
Sa ruling noong 2009 ni dating Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago, idineklarang iligal ang pagsibak sa mga tauhan ng PAL at agad na ipinag-utos ang reinstatement sa mga PAL employees o magbigay ng separation pay sa mga hindi naman maibabalik na empleyado.
2011 nang mapunta ang kaso sa SC 2nd division at naibasura ang motion for reconsideration ng PAL.