Manla, Philippines – Kinontra ng mga miyembro ng House Committee on Justice ang posisyon ni Speaker Pantaleon Alvarez, ng Office of the Solicitor General at ng Department of Justice na maaari umanong mapatalsik si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng Quo Warranto petition.
Iginiit ni Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe na eksklusibo lamang sa kongreso ang kapangyarihan na i-impeach ang mga impeachable official.
Aniya, nakatakda sa konstitusyon ang kwalipikasyon sa pagka-Chief Justice na natural born Filipino at 15 taon na practicing lawyer.
Kung nasunod ito na itinatakda ng Saligang Batas, hindi aniya maaaring alisin ang Chief Justice sa ibang paraan maliban sa impeachment.
Para naman kay Anak Mindanao Rep. Makmod Mending, malabong aksyunan ng Korte Suprema ang petition for Quo Warranto laban kay Sereno.
Naniniwala ang kongresista na rerespetuhin ng Korte Suprema ang exclusive power to impeach ng kongreso.
Dagdag naman ni ACTS OFW Partylist Rep. John Bertiz na ang dapat na itulak ay impeachment kay Sereno at hindi ang Quo Warranto petition laban dito dahil malinaw naman ang mga nilabag ng Punong Mahistrado.