Manila, Philippines – Pinalagan ni House Appropriations Committee Chair Karlo Nograles ang patuloy na panawagan na buwagin ang National Food Authority dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas.
Ayon kay Nograles walang ahensya na gagawa ng mandato ng NFA kapag inabolish ang ahensya lalo na sa sandaling matanggal na ang limitasyon sa pag-angkat ng bigas ng pribadong sektor dahil walang garantiya na hindi magsasabwatan ang mga ito upang kontrolin ang presyo.
Kailangan din anyang tutukan ng NFA ang pagpapalaki ng imbak ng buffer stock at ang masusing implementasyon ng palay procurement program sa presyong P22 kada kilo mula sa mga lokal na magsasaka.
Isinisisi ni Nograles sa kakulangan ng dating namuno at hindi dahil sa kabiguan ng buong ahensya kaya nasadlak sa samu’t saring kontrobersiya ang ahensya.
Dagdag pa ng mambabatas, mahalaga aniya ang papel at mga hakbang ng NFA upang patatagin ang presyo ng bigas sa bansa.