Manila, Philippines – Umani ng batikos mula sa opposition senators ang pagbawi ng Securities and Exchange Commission o SEC sa lisensya ng Rappler para magpatuloy ng operasyon bilang isang news online.
Para kay Senator Antonio Trillanes IV, dapat kondenahin ang hakbang laban sa Rappler dahil ito ay isang paraan ng pananakot sa mga mamamahayag na maninidigan laban sa mga propaganda ng Duterte administration.
Sabi naman ni Senator Bam Aquino, ang ginawa sa Rappler ay isang tagumpay ng pamamayagpag ng fake news at pagkatalo ng malayang pamamahayag.
Diin naman ni Senator Risa Hontiveros, ito ay malinaw na harassment o panggigipit at pag-atake sa press freedom at pagpatag sa mga laro o palabas ng isang diktador.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Hontiveros ang publiko at lahat ng mamamahayag na ipagtanggol ang press freedom at ang karapatan na magsalita para sa katotohanan.
Giit naman ni Liberal Party o LP president Senator Francis Kiko Pangilinan, ang sinapit ng Rappler at iba pang pangyayari sa ilalim ng Duterte administration ay nagpapaktia ng kahalagahan na magkaroon ng pagkakaisa ang lahat.
Ito ayon kay Pangilinan, ay upang labanan ang inihahasik na takot at pag-atake sa mga institusyon sa ating lipunan, at pag-abuso sa kapangyarihan.
Dahil dito ay binuksan ang LP ang recruitment para sa lahat ng gustong sumama at makiisa sa kanilang ipinaglalaban.