Manila, Philippines – Pinapatiyak ni Senator Win Gatchalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na 100-porsyentong mapapakinabangan ng lehitimong jeepney franchise holders ang tulong sa kanila ng pamahalaan.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag makaraang itaas na ngayon sa 20,000 piso ang dating 5,000 piso na fuel subsidy sa mga public utility vehicles alinsunod sa itinatakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.
Dismayado si Gatchalian, na mula sa mahigit 173,000 na benepisaryo ng fuel subsidy sa buong bansa ay 87,000 lamang ang nakakuha ng kanilang fuel cards noong 2018.
Ipinunto ni Gatchalaian na kamakailan lamang ay nagpahayag ng hinaing ang mga jeepney operators bunga ng sunod-sunod na oil price hike nitong Pebrero.
Giit ni Gatchalaian sa LTFRB, huwag nang hinatayin na maglunsad pa ang iba’t ibang transport groups ng mga malawakang transport strike bago kumilos.