Pinalawak na serbisyo ng PhilHealth, nararamdaman na ng mga pasyente sa NKTI

Napakikinabangan na ng mga pasyente sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City ang mas pinalawak na benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Nag-ikot si PhilHealth acting PCEO Dr. Edwin Mercado kasama si NKTI Exec. Dir. Dr. Rose Marie Rosete-Liquete sa ilang pasilidad sa ospital gaya ng hemodialysis center

Layon ng pagbisita na silipin ang serbisyong ipinaaabot ng specialty hospital sa mga pasyente partikular sa mga benepisyaryo ng PhilHealth.

Personal ding kinumusta nito ang mga pasyenteng nagdi-dialysis.

Kabilang dito si Tatay Gerwin na nagpasalamat sa pinalawak na benepisyo ng PhilHealth dahil wala na itong binabayaran pa sa buong taong dialysis.

Sa tulong ng PhilHealth, nasa 156 sessions na kada taon ng dialysis ang nalilibre sa mga benepisyaryo.

Maging ang pasyenteng si Maricris na naghihintay na lang ng transplant, umaasa ring makapasok sa Z Benefit Package ng PhilHealth para malibre na rin ang operasyon niya.

Ayon sa PhilHealth, hanggang ₱2 milyon na rin ang maaaring sagutin nito para sa transplant ng mga pasyente mula sa dating ₱600,000.

Sa press conference naman sa NKTI, tiniyak ni PhilHealth PCEO Mercado na sinisikap nilang maipaabot sa mas maraming Pilipino ang mga alok na benepisyo ng PhilHealth.

Pinag-aaralan na rin aniya ng PhilHealth ang mga dagdag na benepisyo sa mga pasyente kabilang ang primary care at posibleng pagsagot na rin sa gamot matapos ang transplant.

Sa datos ng NKTI, umaabot sa higit 3,800 ang pasyente nitong may sakit sa bato at 350 naman ang kidney transplant kada taon.

Facebook Comments