Binatikos ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas ang pagpayag ng korte na manatili sa ospital hanggang November 16 si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Giit ni Brosas, nagpapakita ito ng selective justice at special treatment kay Quiboloy habang ang ibang bilanggo ay hinahayaan lang magdusa sa loob ng kulungan.
Ayon kay Brosas, hindi makatarungan na agad nakuha ni Quiboloy ang kagustuhang medical furlough kahit pa mabibigat na kaso ang kinakaharap nito tulad ng pag-abusong sekswal sa ilang menor de edad.
Hiling ni Brosas, dapat maging patas ang pagtrato ng ating batas kung saan dapat ang konsiderasyon na ibinibigay sa mga makapangyarihang personalidad tulad ni Quiboloy ay maibigay rin sa mga political prisoners na may seryosong sakit.