PINALAWIG | Pagpapalawak ng broadband access sa mga kabahayan, napagkasunduan na ng NEA at DICT

Manila, Philippines – Posible na ngayon na maikabit ang broadband connectivity sa mga rural areas sa pamamagitan ng 121 electric cooperatives sa buong bansa.

Kasunod ito ng kasunduan sa pagitan ng pamunuan ng National Electrification Administration (NEA) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagpapalawak ng broadband access sa mga kabahayan sa buong bansa.

Sinabi ni NEA Administrator Edgardo Masongsong kay DICT acting Secretary Eliseo Rio, Jr, malaki ang tungkulin na gagampanan ng NEA at ang ECs upang masiguro ang matagumpay na pagpapatupad ng proyekto sa may 95 porsiyento ng mga households sa buong bansa.


Dagdag pa ng NEA chief, ilang electric cooperative lalo na sa Mindanao ay mayroon nang fiber-optic infrastructure at madali na para kabitan ng internet services ang komunidad na kanilang pinagsisilbihan.

Nagpasya na rin ang NEA at DICT na bumuo ng Technical Working Group (TWG) na magbalangkas ng isang framework agreement kasama na ang financial arrangement sa mga ECs na mayroon nang existing fiber optic cables sa kanilang distribution lines at ang posibleng pagpopondo sa mga power utilities na wala pang fiber optic sa kanilang grid.

Una nang tiniyak ni Masongsong na suportado nito ang National Broadband Plan na proyekto ng Duterte Administration.

Facebook Comments